Ang mga Tanong na Nauugnay sa mga Anghel
Sino ang mga anghel? Ano ang anyo nila?
Sila ay nilikha kabilang sa mga nilikha ni Allāh, na nilikha mula sa isang liwanag. Nilikha sila ni Allāh bago ng tao. Mayroon silang pagnanais, isip, at mga pakpak. Ang mga larawan ng pagkakalikha sa kanila ay marikit. Taglay nila ang kakayahan ng tumulad sa anyo ng tao. Hindi sila kumakain at hindi sila umiinom. Sila ay mga lingkod ni Allāh, na gumagawa ng ipinag-uutos sa kanila. Sila ay may mga antas ng kalamangan. Ang pinakamataas sa kanila ay si Anghel Gabriel (Jibrīl) (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan). Siya ang nakatalaga sa pagpapaabot ng kasi sa mga sugo (sumakanila ang pagbati ng kapayapaan). Nariyan sina Anghel Miguel (Mīkā’īl), Anghel Isrāfīl, at iba pa sa kanila. Kabilang sa kanila ang mga tagapag-ingat. Sila ang mga nakatalaga sa pag-iingat sa mga tao sa bawat sandali. Mayroong lubhang malaking bilang nila. Bawat anghel ay may katungkulan natatangi sa kanya, na kinakailangan sa kanya na ipatupad.
Ano ang mga pangalan ng mga anghel?
Tunay na ang mga anghel ay may maraming bilang, na walang nakapag-iisa-isa sa kanila kundi si Allāh (mapagpala Siya at pagkataas-taas). Kabilang sa mga pangalan nila [sa wikang Arabe] ay Jibrīl, Mīkā’īl, Isrāfīl, Riḍwān, at Mālik (sumakanila ang basbas at ang pagbati ng kapayapaan). Nariyan ang mga tagapasan ng Trono, ang mga tagaingat ng nag-iingat sa mga gawain, at ang iba sa kanila.
Bakit sila nilikha ni Allāh?
Nilikha ni Allāh ang mga anghel para sa paggawa ng kabutihan sapagkat sila ay mabuting walang-takda: hindi sila gumagawa ng kasamaan at hindi nila nalalaman ito. Ang mga anghel sa orihinal na kalagayan ay nasa langit, ngunit ang pagbaba ng tao sa lupa ay nag-obliga ng pagbaba ng mga anghel dito para magsagawa ng mga katungkulang natatangi na ipinag-utos sa kanila ni Allāh gaya ng pag-iingat, pangangalaga, pagmamasid, pagpapaabot, pag-aadya, paghingi ng tawad, pagdalo sa mga pagtitipon ng dhikr, at iba pa sa mga ito na mga katungkulan. Maaaring masabi sa bata na ang mga anghel may dalawang pangunahing katungkulan: ang pagsamba kay Allāh (pagkataas-taas Siya) at ang pagsasagawa ng pangangasiwa sa mga pumapatungkol sa Sansinukob.
Bakit hindi natin nakikita ang mga anghel?
Ang mga tao ay walang taglay na kakayahan sa pagkakita sa mga anghel sa anyo ng mga ito na nilikha sa kanila. Dahil doon, tumutulad ang mga anghel sa anyo ng mga tao upang makaya ng mga tao na makita sila at makitungo sa kanila gaya ng nangyari sa pagtulad ni Anghel Gabriel (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) sa anyo ng isang Arabeng disyerto gaya ng nasa ḥadīth ng pagtuturo ng mga nauukol sa Relihiyong Islām.
Sino ang mga jinn?
Sila ay nilikha kabilang sa mga nilikha ni Allāh, na nilikha mula sa isang apoy. Sila ay mga inatangan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos at pag-iwan sa mga sinasaway. Sila ay mga nilikhang namamatay tulad ng nalalabi sa mga nilikha. Hindi natin nakakakayang makita sila at hindi tayo nagmamay-ari ng kakayahan para roon. Lumikha si Allāh para sa kanila ng mga kakayahang naiiba sa mga kakayahan ng tao sapagkat maaari sa kanila ang lumipad, ang bilis ng paglipat, at ang kakayahan sa pag-aanyo. Naiiba ang pagkakalikha ng jinn sa tao dahil ang tao ay nilikha mula sa putik samantalang ang jinn ay nilikha mula sa apoy.
Sino ang higit na malakas, ang mga anghel o ang mga jinn?
Tunay na ang mga anghel ay nagpapatuloy ang pagkakalikha sa kanila, na hindi namamatay maliban sa Araw ng Pag-ihip sa Tambuli. Hinggil naman sa jinn, tunay na sila ay namamatay bago niyon. Yayamang sila ay gayon, tunay na ang Anghel ng Kamatayan ay ang kumukuha sa mga kaluluwa ayon sa utos ni Allāh (pagkataas-taas Siya) kapag nagtadhana Siya ng pagbawi sa kanila: “Si Allāh ay kumukuha sa mga kaluluwa sa sandali ng kamatayan ng mga ito” (Qur’ān 39:42) Dahil doon, ang mga anghel ay higit na malakas sa isang banda, bagkus pati na sa buhay pangmundo sapagkat ang mga demonyo ay nangangamba sa mga anghel gaya ng sa Paglusob sa Badr noong nakita ng demonyo ang mga anghel na ipinadala ni Allāh para sa pag-aadya sa mga mananampalataya. Nagsabi ang demonyo sa mga tagatangging sumampalataya: “Tunay na ako ay walang-kaugnayan sa inyo. Tunay na ako ay nakikita ng hindi ninyo nakikita. Tunay na ako ay nangangamba kay Allāh. Si Allāh ay matindi ang parusa.” (Qur’ān 8:48)
Namamatay ba ang mga anghel?
Oo; ang mga anghel ay nilikha kabilang sa mga nilikha ni Allāh. Bawat bagay ay masasawi at mamamatay maliban si Allāh (kaluwalhatian sa Kanya at pagkataas-taas Siya) sapagkat Siya ang Buhay, ang Mapagpanatili. Nagsabi Siya (pagkataas-taas Siya): “Bawat bagay ay masasawi maliban sa mukha Niya.” (Qur’ān 28:88) Kaya ang lahat ng mga naninirahan sa lupa ay mamamatay at gayon din ang mga naninirahan sa mga langit maliban sa sinumang niloob ni Allāh. Walang matitirang isa man maliban kay Allāh (kaluwalhatian sa Kanya) sapagkat Siya ang Buhay na hindi namamatay magpakailanman.