Ang mga Haligi ng Edukasyong Pampananampalataya ANG
- Ang Pananampalataya kay Allāh
- Ang Pananampalataya sa mga Anghel
- Ang Pananampalataya sa mga Kasulatan
- Ang Pananampalataya sa mga Sugo
- Ang Pananampalataya sa Huling Araw
- Ang Pananampalataya sa Pagtatakda
Ang Unang Haligi:
Ang Pananampalataya kay Allāh
Nagpahiwatig ang naturalesa, ang isip, at ang batas ng Islām sa kairalan ni Allāh sapagkat ang bawat nilalang ay likas na nilalang sa pananampalataya sa Tagalikha nito. Hinggil naman sa isip, ito ay dahil sa ang mga nilikhang ito ay kailangang may tagapagpairal. Hinggil naman sa batas, ang lahat ng mga makalangit na relihiyon ay kumikilala sa kairalan ng Tagalikha. Ang pananampalataya kay Allāh ay naglalaman ng apat na bagay: (1) ang kairalan ni Allāh; (2) ang pananampalataya sa pagkapanginoon Niya, na Siya ay ang Panginoon, ang Tagapagbigay, ang Tagalikha, ang Tagapagtustos, at ang Tagapangasiwa; (3) ang pananampalataya sa pagkadiyos Niya at paniniwala sa kaisahan Niya, at na Siya ay walang katambal; (4) ang pananampalataya sa mga pangalan Niya at mga katangian Niya na tagapagsakatuparan ng kalubusan at karikitan. Magtuturo tayo sa bata ng apat na bagay na ito kaya tatanggap siya ng edukasyon sa pagkakilala kay Allāh, pagdakila sa Kanya, at pag-ibig sa Kanya. Ang haliging ito ay ang pundasyon ng nalalabi sa mga haligi.
Bakit magtuturo tayo sa kanila ng pag-ibig kay Allāh?
- Dahil si Allāh (kapita-pitagan ang pumapatungkol sa Kanya) ay ang nagpairal sa atin mula sa kawalan, humubog sa paglikha sa atin, at nagtangi sa atin higit sa marami sa nilikha sa isang pagtatangi. Nagmagandang-loob Siya sa atin ng pinakamainam na biyaya, ang Islām. Pagkatapos tumustos Siya sa atin ng marami sa kabutihang-loob niya gayong hindi tayo nagiging karapat-dapat doon. Pagkatapos heto Siya, nangangako sa atin ng Paraiso bilang ganti para sa mga gawa na bahagi ng bigay Niya at kabutihang-loob Niya sapagkat ang Tagapagmabuting-loob sa simula at wakas.
- Dahil buhat sa pag-ibig namumutawi ang paggalang at ang pagpapakundangan nang palihim at hayagan. Ang laki ng pangangailangan natin na gumalang ang mga paslit natin sa Panginoon nila at magpakundangan sa Kanya – sa halip na ang kaugnayan nila sa Kanya ay maging nakabatay sa pangamba sa parusa Niya o sa Impiyerno lamang – para ang pagsamba nila sa Kanya ay maging isang kasiyahang espirituwal na ipinamumuhay nila at nangangalaga sa kanila laban sa mga pagkatisod.
- Dahil si Allāh (pagkataas-taas Siya) ay ang Buháy, ang Mapagpanatili, ang Namamalagi, ang Natitira, na hindi namamatay, ang hindi nadadala ng pagkaantok ni ng pagtulog sapagkat Siya ay kasama nila saan man sila. Siya ay ang nag-iingat sa kanila at nangangalaga sa kanila higit kaysa sa mga magulang nila. Samakatuwid, ang pagkakaugnay nila sa Kanya at ang pag-ibig nila sa Kanya ay ibinibilang na kinakailangan upang makaalam sila na mayroon silang saligang malakas, si Allāh (kaluwalhatian sa Kanya at pagkataas-taas Siya).
- Dahil sila, kapag umibig sila kay Allāh (kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan), ay umibig sa Qur’ān at nagsigasig sa pagdarasal. Kapag nalaman nila na si Allāh ay Marikit na nakaiibig sa karikitan, gagawa sila ng bawat bagay na marikit. Kapag nalaman nila na si Allāh ay umiibig sa mga nagbabalik-loob, mga nagpapakadalisay, mga gumagawa ng maganda, mga nagkakawanggawa, mga nagtitiis, mga nananalig, at mga nangingilag magkasala, magsisikap sila upang mailarawan sila sa lahat ng mga katangiang ito sa paghahangad ng kaluguran Niya, pag-ibig Niya, pagkamit ng pagtangkilik Niya sa kanila, at pagtatanggol Niya sa kanila. Kapag nalaman nila na si Allāh ay hindi umiibig sa mga taksil, ni sa mga tagatangging sumampalataya, ni sa mga nagpapakamalaki, ni sa mga nangangaway, ni sa mga tagalabag sa katarungan, ni sa mga tagagulo, lalayo sila sa abot ng nakakaya nila sa lahat ng mga katangiang ito dala ng pag-ibig kay Allāh at pagmimithi sa pagpapalugod sa Kanya.
- Dahil ang pag-ibig kay Allāh ay nangangahulugan ng pagkadama sa kairalan Niya (kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan) sa atin, na nagreresulta ng pagkaramdam ng kapahingahan, kapanatagan, katatagan, at kawalan ng pagkabagabag o kalungkutan, at dahil doon ay kaligtasan ng kaluluwa at katawan mula sa mga karamdamang pangkaluluwa at pampisikal. Bagkus ang pinakamahalaga kaysa roon ay ang kaligtasan sa mga pagsuway at mga kasalanan.
Papaano tayong magtuturo sa mga anak natin ng pag-ibig kay Allāh (pagkataas-taas Siya)?
- Ibinibilang na ang kaisa-isang pasukan para sa pagtatanim ng mga usaping pampananampalataya sa bata ay ang pisikal na pasukan. Ibig sabihin: tunay na tayo ay umaasa sa mga pandama sa pagpapalakas ng pananampalataya ng bata sa Tagalikha niya. Kaya namumuhunan tayo ng mga paghahayag ng kalikasan sa paligid niya tulad ng araw, ulan, at hangin. Sa pamamagitan ng mga ito ay magtuturo sa bata na may isang Tagalikha na nangangasiwa sa Sansinukob na ito. Mag-uudyok tayo sa kanya na magtanong at mag-usisa. Magsisikap tayo sa paglalagay ng salaming pampananampalataya sa mga mata ng mga bata, kung saan makakakaya nilang makita ang mga patunay sa kairalan ni Allāh sa bawat bagay na aanalisahin nila at pag-aaralan nila sa mga abot-tanaw pangkaalaman. Kaya magsisigasig tayo sa pagtatanghal sa mahimalang kakayahan ni Allāh at nakamamanghang pagkamalikhain Niya at mula sa makapanginoong pagtutuon na iyon tungo sa pagmamasid sa simula ng paglikha sa tao. Nagsabi Siya (kaluwalhatian sa Kanya): “Kaya tumingin ang tao mula sa ano siya nilikha.” (Qur’ān 86:5) Nagsabi pa Siya (kaluwalhatian sa Kanya): “at sa mga sarili ninyo. Kaya hindi ba kayo nakakikita?” (Qur’ān 51:21) Gayon din ang pagtingin sa pagkain ng tao at kung papaanong nagpairal nito Siya (kaluwalhatian sa Kanya) at naglinaw sa mga yugto nito. Nagsabi Siya (pagkataas-taas Siya): “Kaya tumingin ang tao sa pagkain nito” (Qur’an 80:24) Gayon din ang pagtatanghal sa kapangyarihan Niya (kaluwalhatian sa Kanya) sa pamamagitan ng pagtingin sa mga nilikha Niya na nagpapatunay sa kadakilaan Niya, gaya ng sa sabi Niya (pagkataas-taas Siya): “(17) Kaya hindi ba sila tumitingin sa mga kamelyo kung papaanong nilikha ang mga ito, (18) at sa langit kung papaanong inangat ito, (19) at sa mga bundok kung papaanong itinirik ang mga ito, (20) at sa lupa kung papaanong inilatag ito?” (Qur’ān 88:17-20) Ang malalaking kahulugang ito at ang nasaad dito na kamanghaan ng pagkalikha, kadakilaan ng Tagalikha, at pagkamalikhain Niya ay maaaring mailapit sa mga pag-iisip ng mga bata ayon sa mga edad nilang nagkakaiba-iba sa pamamagitan ng nagbabagu-bagong mga kaparaanang pampaliwanag na seryoso at sinarisari at sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya. Ang bata, dahil sa naturalesa nito, ay iibig sa bawat sinumang yumari para sa kanya ng mga dakilang bagay na ito at nagpasilbi ng mga ito sa kanya.
- Ang pagtuturo sa bata ng mga pinakamagagandang pangalan ni Allāh (pagkataas-taas Siya) at mga katangian Niyang nagpapatunay sa kalubusan Niya at karikitan Niya. Si Allāh (pagkataas-taas Siya) ay ang Napakamaawain, ang Maawain na sumaklaw ang awa Niya sa bawat bagay. Siya ay ang Mapagpaumanhin na nagpapaumanhin sa mga pagkatisod, ang Mapagpatawad na nagsama sa pagpapaumanhin ng pagtatakip, ang Mapagbigay na nagbibigay nang walang paghiling ni kadahilanan. Siya ay ang Tagapagpatnubay na gumagabay sa mga lingkod Niya tungo sa lahat ng mga pakinabang. Siya ay ang Mapagmahal na iniibig at umiibig. Ang mga kaalamang ito ay tumutulong sa pag-ibig kay Allāh nang walang pasubali.
- Kinakailangan na lumayo tayo sa pagsasabi na: “Kapag hindi ka nakinig sa salita ko at hindi ka tumalima rito, parurusahan ka ni Allāh.” May pagkakaiba sa pagitan ng pagtuturo sa bata na si Allāh ay nagpaparusa sa sinumang sumuway sa kanya at ng pag-uugnay ng kaparusahan ni Allāh sa pagsunod sa iyo palagi at pagbabanta sa kanya niyon. Tunay na ito ay kabilang sa pumipigil sa bata sa pag-iisip sa pinakamalalim na paraan sa kakayahan ni Allāh at kadakilaan Niya. Hindi nararapat ang pagsandig sa pagdudulot ng edukasyon sa bata sa ipambanta sa kanya si Allāh. Bagkus kinakailangan na magturo tayo ng pag-ibig kay Allāh, pagdakila sa Kanya, at pagpipitagan sa Kanya. Kaya hindi tayo mag-uugnay kay Allāh ng bawat makaaapekto sa pagtingin ng bata kay Allāh (kaluwalhatian sa Kanya).
- Kapag nakasasaksi ang bata sa mga magulang habang nagpapanatili ng pagdarasal at iba pa rito na mga tungkulin o umaayaw sa isang bagay kabilang sa mga ipinagbabawal, tunay na siya kadalasan ay nagtatanong tungkol sa kadahilanan niyon. Kailangan na maglaman ang sagot nilang dalawa ng pagbanggit ng pag-ibig ni Allāh (pagkataas-taas Siya) at pagtalima sa Kanya para iyon ay maging kabilang sa edukasyon sa pamamagitan ng tinutularan sa pag-ibig kay Allāh (pagkataas-taas Siya) dahil ang bata ay tumutulad sa mga magulang niya. Kabilang din sa mga bagay na nagtatanim ng pag-ibig sa mga puso ng mga bata ang pagsasalita sa kanila tungkol sa Paraiso at anumang inihanda ni Allāh (kaluwalhatian sa Kanya) doon na mananatiling Kaginhawahan para sa mga tagapangilag magkasalang lingkod Niya.
- Kapag umabot ang bata sa isang edad na makauunawa na siya rito sa kahulugan ng mga kinakailangang gampanan, tunay na siya ay tuturuan ng pagkakailangan ng pag-ibig na ito dahil si Allāh (kapita-pitagan ang pumapatungkol sa Kanya) ay ang lumikha sa atin, humubog sa paglikha sa atin, tumustos sa atin, nagtangi sa atin higit sa marami sa mga iba pang nilikha Niya, at nagmagandang-loob sa atin ng Islām. Magtuturo tayo sa bata na ang lahat ng mga biyaya na nasa paligid niya ay mula kay Allāh. Magtuturo tayo sa kanya kung papaanong magpupuri kay Allāh dahil sa mga iyon, papaanong magpapasalamat sa Kanya, at papaanong manghihingi sa Kanya ng karagdagan. Ang pagsisiyasat na ito sa mga biyaya ay isang pampasigla sa pag-ibig [kay Allāh].
- Ang pagtuturo sa kanya ng mga kaparaanang nakatutulong sa pag-akit ng pag-ibig ni Allāh at pag-ibig ng Sugo Niya (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) kabilang sa mga sinasabi, mga ginagawa, at mga kalagayan
Ang Ikalawang Haligi:
Ang Pananampalataya
sa mga Anghel
- Tunay na ang pananampalataya sa mga anghel ay naglalaman ng paniniwala sa kairalan nila, pananampalataya sa nalaman natin ang pangalan kabilang sa kanila at ang anumang natumpak mula sa mga ulat tungkol sa kanila, at ang pag-ibig sa kanila. Tunay na kabilang sa pinakamahalaga sa mga kahulugang pang-edukasyon na nararapat itanim sa kaluluwa ng bata tungo sa mga anghel ay ang sumusunod:Ang pagtuturo sa kanya na ang mga anghel ay mga nilikhang nilikha mula sa isang liwanag. Ayon kay `Ā’ishah malugod si Allāh sa kanya) na nagsabi: Nagsabi ang Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan): “Nilikha ang mga anghel mula sa isang liwanag. Nilikha ang mga jinn mula sa isang lagablab ng isang apoy. Nilikha si Adan mula sa nailarawan sa inyo.” (Muslim: 2996) Nakasasapat ang pangkalahatang paglalarawan nang walang pagpasok sa mga detalye ng nilikhang ito at kalikasan nito.
- Ang pagtuturo sa kanya ng mga pangalan ng mga nasaad ang pangalan mula sa kanila gaya ni Jibrīl, ang katiwala sa mga anghel at ang pangulo nila, na nagbaba ng Qur’ān; ni Mikā’īl, ang itinalaga sa pagpapatak [ng ulan]; at ni Isrāfīl, ang itinalaga sa pag-ihip [sa tambuli]. May mga tagapasan ng Trono, may mga tagatala [ng mga gawa], may mga tagapag-ingat, at iba pa sa kanila.
- Ang paglilinaw na ang mga bilang nila ay lubhang marami, na walang nakaaalam sa bilang nila kundi si Allāh (kaluwalhatian sa Kanya). Sila ay mga nilikhang isinakalikasan sa pagtalima at pagpapatupad ng mga utos. Bawat anghel ay itinalaga sa isang tungkuling ipinatutupad niya at sinusunod niya.
- Na sila ay mga ipinagsanggalang [sa pagkakamali]. Sila ay sumasamba kay Allāh sa isang pagsambang nagpapatuloy, na hindi napapagal ni nanghihinawa ni nagpapakamalaki. Na sila ay umiibig sa mga mananampalataya, nag-aadya sa mga ito, nananalangin para sa mga ito, at nag-iingat sa mga ito. Na sila ay dumadalo sa mga pagtitipon ng pag-aalaala [kay Allāh] at sumusubaybay sa mga ito.
- Ang pagpapaibig sa mga bata sa mga anghel. Iyon ay sa pamamagitan ng pagpapatalos sa mga ito ng mabuting kalikasan ng mga anghel at kalikasan ng pagpapahalaga at pagsisigasig mula sa kanila tungo sa mga mananampalataya yayamang pumupukaw ito sa espiritu ng katapatang-loob at pag-ibig tungo sa mga nilikhang pinagpalang maayos na ito dahil sila ay nagsasagawa ng pagluluwalhati, paghingi ng tawad at pagdalangin para sa mga mananampalataya, pagbabalita ng nakalulugod sa mga mananampalataya na nagpakatuwid sa daan ng katotohanan sa pamamagitan ng pananampalataya at maayos na gawa hinggil sa [pagpasok sa] mga hardin ng Kaginhawahan; nagbabasbas sa mga mananampalataya; nag-aadya sa mga mananampalataya; at nagpapatatag sa mga ito. Ang mga anghel ay mga mapag-ingat sa mga gawa ng mga tao yayamang nagpapadala sa kanila si Allāh para mag-ingat sa [mga gawa ng] mga tao. Nagsasabi Siya (pagkataas-taas Siya): “Para sa kanya ay may mga [anghel na] nagkakasunud-sunod sa harapan niya at sa likuran niya, na nangangalaga sa kanya ayon sa utos ni Allāh.” (Qur’ān 13:11)
- Na ang pananampalataya sa mga anghel ay nag-oobliga ng pagpipitagan sa kanila at pagpaparangal sa kanila sapagkat sila ay mga lingkod na pinararangalan, na hindi sumusuway kay Allāh sa ipinag-utos Niya sa kanila, at gumagawa sa ipinag-uutos sa kanila. Kinakailangan ang pagpapawalang-kinalaman sa kanila sa anumang hindi naaangkop sa kanila na mga katangian.
- Ang pag-uudyok sa pansariling kalinisan yayamang tunay na ang mga anghel ay naliligalig mula sa anumang kinaliligaligan ng mga anak ni Adan. Ayon kay Jābir bin `Abdullāh, ayon sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) na nagsabi: “Ang sinumang kumain mula sa halamang ito, ang bawang” at nagsabi siya muli, “ang sinumang kumain mula sa sibuyas, bawang, at puero ay huwag nga siyang lalapit sa masjid natin sapagkat ang mga anghel ay naliligalig mula sa anumang kinaliligaligan ng mga anak ni Adan.” (Muslim: 564)
- Na sa kairalan ng mga anghel at pananampalataya sa kanila ay may mga kasanhiang sarisari. Kabilang sa mga ito: na makaalam ang tao sa lawak ng kaalaman ni Allāh (pagkataas-taas Siya), kadakilaan ng kapangyarihan Niya, kahanga-hanga sa karunungan Niya. Kabilang din sa mga ito: na makaramdam ang Muslim ng katiwasayan yayamang nalaman niya na may mga kawal na mag-iingat sa kanya ayon sa utos ni Allāh at mag-aadya sa kanya.
- Na ang kaugnayan ng mga anghel sa atin ay sa pagbuo, sa pagpapairal, at sa pagsubaybay na nagsisiwalat sa tao ng kahalagahan niya at halaga niya at nagkakaila ng ideya ng sinasabing kawalang-halaga niya at pagkahamak niya. Sa pamamagitan niyon, nahahalagahan niya ang halaga ng sarili niya at nagsisikap siya habang nagpupunyagi para sa pagsasakatuparan ng dakilang papel na kailangan niyang gampanan
Ang Ikatlong Haligi:
Ang Pananampalataya
sa mga Kasulatan
Tunay na ang pananampalataya sa mga kasulatan ay naglalaman ng sumusunod:
- Ang pananampalataya sa kairalan ng mga kasulatan na bumaba mula sa ganang kay Allāh at na ito ay bahagi ng kadakilaan ng awa ni Allāh sa mga lingkod Niya yayamang nagpababa Siya sa bawat kalipunan [noon] ng isang kasulatan na ipinapampatnubay nila, alinsunod sa nababagay sa kanila na mga batas at mga patakaran. Ipaliliwanag sa bata na ang pagpapababa ng mga kasulatan ay isang dakilang biyaya dahil ang mga ito ay nagpakilala sa atin kay Allāh, sa Kabilang-buhay, at sa kabutihan at kasamaan.
- Ang paniniwala sa anumang nalaman natin ang pangalan mula sa mga ito gaya ng kalatas ni Abraham (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan), Torah na bumaba kay Moises (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan), Salmo [na bumaba] kay David (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan), Ebanghelyo na bumaba kay Jesus (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan), at Qur’ān na bumaba kay Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan).
- Na ang mga kasulatang ito ay nagpapatotoo sa isa’t isa at hindi nagpapasinungaling. Walang salungatan sa pagitan ng mga ito at kontrahan. Nagsabi Siya (pagkataas-taas Siya): “bilang tagapagpatotoo para sa nauna rito na kasulatan” (Qur’ān 5:48)
- Ang paniniwala sa anumang natumpak mula sa mga ulat ng mga ito. Ang pagtuturo sa bata na ang mga makalangit na naunang kasulatan ay naabot ng paglilihis, pagpapalit, at pag-iiba dahil ang mga ito noon ay pansamantala, na natatangi sa mga tao ng panahon nito lamang, at hindi naggarantiya si Allāh ng pag-iingat nito tulad ng Qur’ān.
- Ang pananampalataya na ang Qur’ān ay tagapagpawalang-bisa ng bawat anumang nauna mula sa mga kasulatan, at na ang pagsasagawa sa mga patakaran ng Marangal na Qur’ān ay isang kinakailangang tungkulin hanggang sa Araw ng Paggagantimpala. Kaya kinakailangan ang pagsunod sa mga ipinag-uutos nito at ang pag-iwas sa mga sinasaway nito, ang pagbabawal sa ipinagbabawal dito at ang pagpapahintulot sa ipinahihintulot nito, at ang pagsasagawa sa hinusto at ang pagpapasakop sa pinatalinghaga, at ang pagtigil sa tabi ng mga hangganan nito at mga katuruan nito.
Kabilang sa mga mahalagang bagay na pumapasok sa pintuan ng pananampalataya sa mga kasulatan ay ang usapin ng pagpapasaulo sa bata ng Marangal na Qur’ān mula sa pagkabata niya. Ibinibilang ang pagsasaulo ng Marangal na Qur’ān na kabilang sa pinakamahalaga sa mga aktibidad para sa pagpapalago sa talinong nasa mga bata kapag pinaganda ang paggamit nito at nakaya ng edukador na magbigay-buhay sa kaluluwa ng bata ng kalagayan ng mga talaga ng Qur’ān. Ang Marangal na Qur’ān ay nag-aanyaya sa atin sa pagninilay-nilay at pag-iisip-isip sa pagkakalikha sa mga langit at lupa, at sa pagkakalikha sa tao at pagkakalikha sa nasa paligid natin na mga bagay upang madagdagan ang pananampalataya natin at mahaluan ang kaalaman ng gawa. Ang pagkasaulo ng Marangal na Qur’ān, ang pagkatalos ng mga kahulugan nito, at pagkakakilala rito ay nagpaparating sa tao sa isang sumulong na antas ng katalinuhan. Ito rin ay nagpapahirati sa dila ng bata sa katatasan at kalinawan. Iyon sa pamamagitan ng pagtutuwid sa dila niya sa pamamagitan ng pagbabasa ng Qur’ān at pagpapahusay sa pagbigkas nito. Nagpapalago ito ng mga makapanginoong emosyon gaya ng pangamba, kataimtiman, pagmimithi, pagkasindak, at pagpapalambot ng mga puso at mga damdamin. Nagpapahirati ito sa bata sa paggawa sa mga katuruan ng Marangal na Qur’an at mga tuntunin ng magandang asal nito sa bawat isa sa mga larangan ng pang-araw-araw na buhay niya. Magdudulot ito sa bata ng edukasyon sa buhay na matuwid at mga kaasalang nakalalamang. Kabilang din sa mga bentaha ang matatamo para sa kanila na dakilang pabuya at malaking kalamangan mula kay Allāh (pagkataas-taas Siya) sa pagtitipon nila sa mga umpukan ng pagpapasaulo.
Papaano tayong magpapaibig sa bata sa pagsasaulo?
- Maglilinaw tayo sa kanya ng mga kainaman ng Qur’ān at mga kainaman ng pagsasaulo nito, pagbigkas nito, pagtuturo nito, at paggawa ayon dito gaya ng sabi niya (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan): “Basahin ninyo ang Qur’ān sapagkat tunay na ito ay pupunta sa Araw ng Pagbangon bilang mapagpamagitan sa mga alagad nito.” (Muslim: 804) Ang sabi pa niya (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan): “Sasabihin sa alagad ng Qur’ān: Basahin mo at umangat ka [sa antas] at bigkasin mo gaya noong bumibigkas ka sa Mundo sapagkat tunay na ang antas mo ay nasa wakas ng talata na babasain mo.” (At-Tirmidhīy: 2914) Ang sabi pa niya (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan): “Ang paghahalintulad sa mananampalataya na nagbabasa ng Qur’ān ay katulad ng sitron; ang amoy nito ay kaaya-aya at ang lasa nito ay kaaya-aya. Ang paghahalintulad sa mananampalataya na hindi nagbabasa ng Qur’ān ay katulad ng datiles; walang amoy rito at ang lasa nito ay matamis. Ang paghahalintulad sa mapagpaimbabaw na nagbabasa ng Qur’ān ay katulad ng balanoy; ang amoy nito ay kaaya-aya at ang lasa nito ay mapait. Ang paghahalintulad sa mapagpaimbabaw na hindi nagbabasa ng Qur’ān ay katulad ng pakwang disyerto; walang amoy rito at ang lasa nito ay mapait.” (Al-Bukhāriy: 5427) Ang sabi pa niya (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan): “Ang pinakamabuti sa inyo ay ang sinumang natuto ng Qur’ān at nagturo nito.” (Al-Bukhāriy: 5027) Bumanggit siya ng mga modelo ng pagpapahalaga ng mga sinaunang Muslim sa Qur’ān. Iyon ay kabilang sa pinakadakila sa mga kaparaanang nagpapakilos sa pagpapahalaga.
- Magsasagawa tayo ng pagpaparehistro sa kanya sa mga paaralang pang-qur’ān o mga sentro ng pagpapasaulo ng Qur’ān sa mga umpukan ng pagpapasaulo ng Qur’ān sa masjid o, ng paghahanap para sa kanya ng isang tagapagturong magtuturo sa kanya ng Qur’ān, pagbibigay ng mga pangganyak at mga papremyo, at pagdudulot ng isang kapaligiran ng pagpapaligsahan sa pagitan ng mga bata at mga mag-aaral.
- Kailangan ng pagpapasimple ng nauukol sa pagsasaulo ng Qur’ān sa bata sa pagsisimula niya hanggang sa ang gawaing ito ay maging naiibigan para sa kanya. Kaya ang simula ng pagsasaulo ay mula sa Juz’u `Amma dahil ito ay natatangi na ang mga bahagi nito ay maiikli at nagtatapos sa iisang titik, na kabilang sa nagpapadali sa pagkakintal nito sa isipan ng bata at dahil ang mga ito ay mga kabanata ng Qur’ān na naglalaman ng mga Haligi ng Pananampalataya kaya naitutumpak ang mga pinaniniwalaan at napabubuti ang asal. Bagkus, naiingatan ang kalusugan at ang kaligtasan ng bata rin sapagkat tunay na ang Dakilang Qur’ān ay dhikr at ruqyah. Karagdagan pa roon, tunay na ito ay nagtutuwid sa dila at nakadaragdag sa [kakayahan sa] paglilinaw.
- Ang pagpapahalaga sa sandali ng pagbigkas ng bata at pagsasaulo niya sa isang pinaiksing pagpapaliwanag sa Qur’ān upang mabuksan ang mga kahulugan ng mga talata sa puso niya at isip niya. Huwag magpalagay ang isa na ang maliit na bata ay hindi nagiging karapat-dapat na pagpaliwanagan sapagkat tunay na ang batay ay may kataka-takang lakas sa pagsasaulo at pag-intindi.
- Magtuturo tayo sa kanya na ang Qur’ān ay pagpapagaling, awa, at pagpapala. Nagsabi Siya (pagkataas-taas Siya): “Nagbababa Kami mula sa Qur’ān ng siyang pagpapagaling at awa para sa mga mananampalataya,” (Qur’ān 17:82) Ang sinumang nakasaulo ng Qur’ān o nakasaulo ng bahagi nito, tunay na magiging madali sa kanya ng magsagawa ng ruqyah sa sarili niya kapag nagkakasakit siya at gayon din sa sinumang nasa paligid niya.
Ang Ikaapat na Haligi:
Ang Pananampalataya
sa mga Sugo
sa mga Sugo
Tunay na ang pananampalataya sa mga sugo ay naglalaman ng pananampalataya sa katapatan nila at katapatan ng natumpak sa mga ulat nila at sa sinumang nalaman natin ang pangalan kabilang sa kanila. Si Allāh ay humirang sa kanila mula sa mga kababayan nila dahil sa pagkatangi nila sa asal at isip upang magpaabot sila ng mensahe niya. Nagsabi si Allāh: “Hindi nagsugo ng anumang sugo kundi ayon sa wika ng mga tao niya upang maglinaw siya sa kanila” (Qur’ān 14:4) Kung sakaling ang Sugo ay isang anghel, hindi sana sila nakaintindi buhat sa kanya. Kinakailangan sa atin ang hindi magtatangi-tangi sa isa man sa mga sugong ito. Kaya hindi tayo sumasampalataya sa ilan at tumatangging sumampalataya sa iba. Bagkus sumasampalataya tayo sa kanila sa kalahatan sapagkat ang lahat ng mga sugo ay mga tapat sa mensahe nila. Sila rin ay nagpapakabuti sa pagpapayo nila sa mga kalipunan nila saka sila ay mga napangalagaan sa anumang ipinaaabot nila buhat kay Allāh. Hindi kinakailangan sa atin ang gumawa kundi ayon sa Batas ng kahuli-hulihan sa kanila at pangwakas sa kanila, si Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan). Kabilang sa mga kahulugang pang-edukasyon na nararapat itanim sa pananampalataya sa mga sugo ang sumusunod:
- Ang paglilinaw na si Allāh (pagkataas-taas Siya) ay nagpadala sa bawat kalipunan ng isang sugong kabilang sa kanila, na nag-aanyaya sa kanila tungo sa pagsamba kay Allāh lamang at pagtangging sumampalataya sa anumang sinasamba bukod pa sa Kanya. Ang mga sugo sa kalahatan ay mga tapat, na mga pinatotohanan, na mga nagpapakabuti, na mga nagagabayan, na mga tagapangilag magkasala, na mga mapagkakatiwalaan.
- Ang paglilinaw na ang pag-anyaya nila ay sumang-ayon, mula sa kauna-unahan sa mga sugo hanggang sa kahuli-hulihan sa kanila sa pinag-ugatan ng pagsamba at pundasyon nito, ang Tawḥīd, sa pamamagitan ng pagbubukod-tangi kay Allāh (pagkataas-taas Siya) sa lahat ng mga uri ng pagsamba sa paniniwala, sa salita, at sa gawa, at [sa pamamagitan ng] pagtangging sumampalataya sa anumang sinasamba bukod pa sa Kanya.
- Ang paglilinaw ng mga makapanginoong kasanhian sa pagsusugo sa kanila sa nilikha Niya. Kabilang sa mga ito ang pagsamba kay Allāh (kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan) at paniniwala sa kaisahan Niya. Kabilang dito ang kapatnubayan sa mga tao at ang paggabay sa kanila tungo sa landasing tuwid. Kabilang dito ang pagtuturo sa mga tao ng mga nauukol sa relihiyon nila at pangmundong buhay nila at ang pagpapalabas sa kanila mula sa mga kadiliman tungo sa liwanag. Kabilang dito ang pamumuno sa kalipunan at ang pagpapatupad sa batas ni Allāh sa kanila. Kabilang dito ang pagtulad sa kanila.
- Ang kaalaman sa awa ni Allāh (2) at pangangalaga Niya sa mga lingkod Niya yayamang nagsugo Siya ng mga sugo upang magpatnubay sa kanila tungo sa landasin Niya, ang pagtawag-pansin sa pagpapasalamat sa Kanya (pagkataas-taas Siya) sa pinakamalaking biyayang ito, at ang pag-ibig sa mga sugo at mga propeta dahil ang mga ito ay nagsagawa ng pagpapaabot ng mensahe Niya at pagpapayo sa mga lingkod Niya. Tunay na ang mga tao, gaano man nabigyan ng pag-intindi, pag-iisip, at katalinuhan, ay hindi maaari na magsarili ang mga pag-iisip nila sa pagtatatag na pangkalahatang tagapagsaayos sa kalipunan sa pinakakabuuan nito bilang isang kalipunang nagkakaugnayan na nagkakatumbasan na nagkakapantayan sa pagbibigay sa may karapatan ng karapatan nito. Ang mga sugo ay nagtuturo sa mga tao ng nagpapakinabang sa kanila at sumasaway sa mga tao ng nakapipinsala sa kanila.
- Ang pagtatanim ng pag-ibig sa Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) upang makakaya sa pagtalima sa kanya, pagsunod sa bakas niya, pagdakila sa kanya – na hindi sila mag-una sa pag-ibig sa isang nilikhang iba pa sa kanya higit sa pag-ibig sa kanya –pakikipagtangkilikan sa sinumang nakikipagtangkilikan sa Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan), at pakikipaglaban sa sinumang kumakalaban sa kanya. Kabilang dito ang pagpipitagan sa pangalan niya, ang paggalang dito sa pagbanggit dito, ang pagdalangin ng basbas at pagbati ng kapayapaan sa kanya, at ang pagpapahalaga sa mga katangian niya at mga kainaman niya yayamang siya ay dakila ang awa at ang pakikiramay. Kabilang doon ang paggalang sa kanya (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) sa libingan niya at sa masjid niya sa pamamagitan ng pagbababa ng tinig ng sinumang pinarangalan ni Allāh ng pagdalaw sa masjid niya at itinampok Niya sa pamamagitan ng pagtayo sa tabi ng libingan ng Sugo (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan).
- Ang pagbanggit ng mga kuwento ng mga Kasamahan sa pakikitungo ng Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan), pagdakila nila sa kanya, at pagkamaalalahanin nila sa kanya, lalo na ang kuwento ng mga bata sa kanila tulad ng kuwento ni Anas hinggil sa tindi ng pagtulad nito sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) pagkaing ginawa niya. Nagsabi si Anas: “Kaya pumunta ako kasama ng Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) sa pakain na iyon. Naglapit sila sa Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) ng isang tinapay mula sa sebada at isang sabaw na may upo at mga hiniwang karne.” Nagsabi pa si Anas: “Kaya nakita ko ang Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) na sumusunud-sunod sa upo sa paligid ng bandehado kaya hindi natigil na naiibigan ko ang upo mula ng araw na iyon.” Nagsabi si Thumāmah tungkol kay Anas: “Kaya nagsimula ako na magtipon ng upo sa harapan niya.” (Al-Bukhārīy: 5439) Kaya magsisigasig ang edukador sa paglilinaw sa kung papaano noon umiibig sa kanya ang mga kasamahan niya (ang lugod ni Allāh ay sumakanila) at nagpapakasakit alang-alang sa kanya at pagsasaysay ng mga kuwento hinggil doon.
- Ang pagtuturo sa bata ng epekto na inireresulta ng pag-ibig na ito. Kabilang doon ang ḥadīth ni Anas malugod si Allāh sa kanya): “May isang lalaking nagtanong sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) tungkol sa Huling Sandali sapagkat nagsabi ito: Kailan ang Huling Sandali? Nagsabi naman siya: Ano ang inihanda mo para roon? Nagsabi ito: Walang anuman maliban na tunay na ako ay umiibig kay Allāh at sa Sugo Niya (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan). Kaya nagsabi siya: Ikaw ay kasama sa sinumang inibig mo.” Nagsabi si Anas: “Hindi kami natuwa sa anuman [gaya ng] pagkatuwa namin sa sabi ng Sugo (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan): Ikaw ay kasama sa inibig mo.” Nagsabi pa si Anas: “Kaya ako ay umiibig sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan), kay Abū Bakr, at kay `Umar at naghahangad na ako ay maging kasama sa kanila dahil sa pag-ibig ko sa kanila kahit pa hindi ako nakagawa ng tulad sa gawa nila.” (Al-Bukhārīy 3688).
- Ang pag-alalay sa bata sa malikhaing produksiyon hinggil sa nauukol sa pag-ibig sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) tulad ng pagsusulat ng tula, kuwento, talumpati, at mga artikulo; at ang paghimok sa mga paligsahan at mga patimpalak na magkakaiba-iba kaugnay sa paksa ng pag-ibig sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan).
Papaano tayong magtuturo sa bata ng pag-ibig sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan)?
- Kailangan na magbigay-diin tayo sa bata na si Allāh (pagkataas-taas Siya) ay nagmamahal sa Propeta Niya (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan), pumili nga sa kanya, at nagtatangi sa kanya higit sa mga tao sa kalahatan. Siya ay nag-obliga sa atin ng pag-ibig sa Propeta. Magtuturo tayo sa bata na ang pag-ibig sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) ay kabilang sa mga palatandaan ng pag-ibig kay Allāh (pagkataas-taas Siya) sapagkat ang sinumang umibig sa Sugo (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) ay umibig nga kay Allāh ng tapat na pag-ibig.
- Ang pagpapaalaala na ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) ay awa para sa mga nilalang dahil sa pagpatnubay at pagpapaabot ng relihiyong Islām na ito at magiging awa para sa mga mananampalataya dahil sa pamamagitan sa kanila sa Araw ng Pagbangon.
- Ang pagbabasa sa bata ng mga kabanata mula sa mahalimuyak na talambuhay ng Propeta para malaman nito na ang Sugo (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) ay ang tinutularan at ang pinakamataas na halimbawa para sa Sangkatauhan. Magsasagawa ng pagbanggit ng mga himala ng Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan), mga dakilang kaasalan niya, pag-aadya niya sa mga naaapi, simpatiya niya sa mga maralita, tagubilin niya kaugnay sa ulila, at awa niya sa mga mahina. Nararapat na ang wika natin ay maging malapit sa antas ng paglago ng bata at ang magkasya sa mga bagay na bumabagay sa pangkaisipang nibel niya upang mapaghusayan niya ang pagkaunawa niya sa mga ito. Magsisigasig tayo sa pagsasarisari ng mga kaparaanan ng paglalahad sa paraang tutugon tayo sa mga pangangailangan at mga kahilingan ng paglago na nababagay sa mga antas ng edad na pinamumuhayan ng bata. Isasaalang-alang ang kalikasan ng mga pagkakaibang pang-individuwal at mga kalagayang pangkapaligiran.
- Na makakita ang bata sa mga magulang niya at nakapaligid sa kanya ng pagdakila sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) at pagdakila sa sunnah niya at mga salita niya gaya ng pagsisigasig sa pagtulad sa kanya, pagsunod sa kanya at pagpapanatili sa pagdalangin ng basbas sa kanya (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) sa tuwing nababanggit siya. Ang praktikal na pag-uugali ng mga magulang at ang pamamaraan nila ay kabilang sa pinakamalaki sa mga tagaepekto sa Edukasyon. Kaya kapag nagsasagawa ang ama, halimbawa, ng mga sunnah at mga nāfilah, magsasabi siya sa mga anak niya na ganito noon ang ginagawa ng Sugo (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan). Tunay na ang edukasyon sa pamamagitan ulirang halimbawa ay may pinakamalaking epekto sa tumpak na paghuhubog at edukasyong pampaniniwalang maayos. Ang Sugo (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) ay ang pinakamataas na halimbawa na nararapat sa mga edukador ang tumulad sa kanya, ang tumahak sa patnubay niya, at ang magpatupad sa sunnah niya ayon sa isang praktikal na pagpapatupad na makatotohanan kasama ng mga anak nila.
- Ang pagpapasaulo sa bata ng ilan sa mga tumpak na ḥadīth na nagpapatunay sa kalubusan at kagandahan ng Islām, mga katangian ng Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan), at kainaman ng mga Kasamahan sapagkat ang mga ḥadīth ay may malaking epekto sa pananampalataya at pag-uugali at sa paghubog ng kaluluwa. Maaari ang magsagawa ng mga paligsahan sa paraang ang mga ḥadīth na iyon ay maikli, maliwanag ang mga kahulugan, at naglalaman ng ilan sa mga mahalagang kaasalan sa yugtong iyon. Isasaalang-alang ang paggamit ng mga paraan ng pagpapanabik, mga regalo, at mga premyo.
Ang Ikalimang Haligi:
Ang Pananampalataya
sa Huling Araw
Tunay na ang pananampalataya sa Huling Araw ay naglalaman ng paniniwala sa kamatayan at pagbubuhay, pagtutuos at pagganti, ṣirāt at timbangan, at paraiso at impiyerno. Ang bata ay nagsisimula sa pagtalos ng ilan sa mga usapin ng Huling Araw matapos ng edad ng pagkaunawa sa maliwanag na paraan. Bago niyon, kabilang sa higit na mainaman na ang pagtatalakay ay maging pinaiksi at binuod kaya maglilinaw tayo sa bata na mayroon iba pang buhay at na si Allāh ay lumikha ng Paraiso na tahanan ng mga mananampalataya at ng Impiyerno na tahanan ng mga tagatangging sumampalataya.
Kabilang sa pinakamahalaga sa mga kahulugang pang-edukasyon na nararapat itanim sa kaluluwa ng bata tungo sa pananampalataya sa Huling Araw ang sumusunod:
- Na makilala ng bata na si Allāh (pagkataas-taas Siya) ay bubuhay sa mga tao sa Araw ng Pagbangon mula sa kamatayan upang matagpuan nila ang ganti sa mga gawa nila na ginawa nila sa Mundo. Kung mabuti [ang gawa] ay mabuti [ang ganti] at kung masama [ang gawa] ay masama [ang ganti].
- Na makilala ng bata na si Allāh (pagkataas-taas Siya) ay nagpairal sa Araw na iyon ng Paraiso bilang tahanan ng karangalan, kaligayahan, at kawalang-hanggan. Nilikha ni Allāh ang mga ito upang iganti ang mga ito sa mga lingkod Niyang mga mananampalataya; at nagpairal ng Impiyerno na inihanda Niya para sa mga tagatangging sumampalataya. Naisasagawa iyon sa pamamagitan ng pagpapaibig sa kaginhawahan ng Paraiso at anumang inihanda roon ni Allāh para sa mga mananampalataya.
- Ang pakikipag-usap sa bata tungkol sa kamatayan at Kabilang-buhay sa paraang malumanay ay nagpapatunay ng awa ni Allāh, kapatawaran Niya, at kalumanayan Niya sa mga lingkod Niya, upang hindi mangibabaw sa mga bata ang mga ideyang nakaliligalig. Maaaring mag-ugnay niyon sa bawat bagay na nabubuhay na dumadaan sa mga yugto sa sarili ng mga iyon subalit ang tao ay namumukod dahil si Allāh ay nagbukod sa tao sa pag-aatang [ng tungkulin], nagpasilbi ng mga bagay para sa kanya, at nangako sa kanya ng ganti.
- Ang paglilinaw na si Allāh ay hindi kumikilala sa kawalang-katarungan at hindi mag-iiwan sa tagalabag sa katarungan nang walang parusa ni sa nalabag sa katarungan nang walang pagbibigay-katarungan. Hindi Niya pababayaan ang tagagawa ng maganda nang walang gantimpala at ganti. Tayo ay nakakikita sa mundo ng isang nabubuhay na tagalabag sa katarungan at namamatay na tagalabag sa katarungan at alinsunod dito kailangan na may isang iba pang buhay na hindi ang buhay na ito na pinamumuhayan natin, na magpapabuya roon sa tagagawa ng maganda at gaganti roon sa tagagawa ng masagwa, at makukuha ng bawat may karapatan ang karapatan niya.
Ang Ikaanim na Haligi:
Ang Pananampalataya
sa Pagtatakda
Tunay na ang pananampalataya sa pagtatakda ay naglalaman ng pananampalataya sa kalubusan ng kaalaman ni Allāh, ng pagtatala Niya, kakayahan Niya, paglikha Niya, at kalooban Niya. Ang bata ay hindi makakakaya sa pag-intindi sa pagtatadhana at pagtatakda sa isang maagang yugto ng edad ng pagkabata. Ang iba ay naniniwala na ang bata ay hindi maaaring makatalos sa mga kahulugan ng pagtatadhana at pagtatakda malibang matapos ng humigit-kumulang na edad na siyam na taon. Subalit may mga kahulugan na pang-edukasyon na nararapat ikintal kaugnay sa paksa ng pagtatadhana at pagtatakda. Kabilang sa mga ito:
- Na ang pangunahing panuntunan sa paksang ito ay ang ḥadīth na nasaad buhat kay Abul`abbās `Abdullāh bin `Abbās (malugod si Allāh sa kanilang dalawa), na nagsabi: Ako noon ay nasa likuran ng Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) isang araw saka nagsabi siya: “O bata, tunay na ako ay magtuturo sa iyo ng mga pangungusap. Ingatan mo si Allāh, iingatan ka Niya. Ingatan mo si Allāh, matatagpuan mo Siya tungo sa iyo. Kapag humingi ka, manghingi ka kay Allāh. Kapag nagpatulong ka, magpatulong ka kay Allāh. Alamin mo na ang kalipunan, kahit pa man nagtipon sila para magpakinabang sa iyo ng anuman, ay hindi sila magpapakinabang sa iyo ng anumang maliban ng anumang nagtakda na niyon si Allāh para sa iyo; at kahit pa man nagtipon sila para maminsala sa iyo ng anuman, ay hindi sila makapipinsala sa iyo ng anuman maliban ng anumang nagtakda na niyon si Allāh para sa iyo. Inangat ang mga panulat at natuyo ang mga talaan.” (At-Tirmidhīy: 2516) Sa isang salaysay: “Ingatan mo si Allāh, matatagpuan mo Siya tungo sa harapan mo. Kilalanin mo si Allāh sa karangyaan, kikilalanin ka niya sa kagipitan. Alamin mo na ang lumampas sa iyo ay hindi naging ukol na tumama sa iyo at ang tumama sa iyo ay hindi naging ukol na lumampas sa iyo. Alamin mo na ang pag-aadya ay kasama ng pagtitiis, na ang aliw ay kasama ng dalamhati, at na ang hirap ay kasama ng ginhawa.” (Aḥmad: 2803) Ang pampropetang ḥadīth na ito ay itinuturing na isang bukal na pang-edukasyon na naglaman ng mga panutong kaaya-aya mula sa Marangal na Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) para sa Kalipunan niya sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa paghuhubog sa mga bata ayon sa maayos na paniniwala.
- Na ang pangunahing panuntunan ay ang pag-iwas sa pagsuong sa usapin ng pagtatadhana at pagtatakda sa bata sa yugtong iyon, at ang maaaring maipaabot sa bata sa paksang ito ay ang pagpapaliwanag sa lawak ng naunang kaalaman ni Allāh, kakayahan Niya, pagkasaklaw Niya, paglikha Niya, at kalooban Niya kalakip ng pagtitibay sa kalayaan ng tao, ganap na pananagutan niya sa mga piniling gawa niya, ang pagiging karapat-dapat niya sa gantimpala o parusa dahil sa mga ito sa paraang pabuod. Subalit kapag umabala ang usaping ito sa pag-iisip ng bata at nangibabaw sa kanya, kinakailangan sa edukador na magpaliwanag nito sa abot ng makakaya sa paraang pinasimple na matatalos ng pag-iisip ng bata.
- Ang pagdudulot ng edukasyon sa bata sa paghingi mula kay Allāh (pagkataas-taas Siya), na hindi humingi sa iba pa sa Kanya at na magpatulong kay Allāh lamang, kaya ang panalangin ay ihaharap niya kay Allāh (pagkataas-taas Siya). Ituturo sa kanya ang pananalig kay Allāh at ang pagsandal sa Kanya. Ituturo sa kanya ang pagtitiis sa pagtatadhana ni Allāh at pagtatakda Niya.
- Na malaman ng bata na si Allāh ay hindi nagnanais sa kanya maliban ng kabutihan sapagkat siya ay nasa isang tipanan sa buhay na ito sa mga pagtatakda ni Allāh. Dahil doon, tunay na ang kaluluwa niya ay hindi maninikip at manghihinawa at haharap siya sa mga sigalot nang may kaluluwang nalulugod sa pagtatadhana at pagtatakda ni Allāh sapagkat siya ay nakatitiyak na: “Walang tatama sa amin kundi ang itinakda ni Allāh para sa amin.” (Qur’ān 9:51)
- Na malaman ng bata na ang mga kaganapan ng mga pangyayari ay nasa kamay ni Allāh (kaluwalhatian sa Kanya), na Siya (kaluwalhatian sa Kanya) ay gumagawa ng niloloob Niya at pinipili Niya dahil sa kanya ang walang-takdang malayang paggawa sa kaharian niya. Iyon ay hahantong sa pagkadagdag ng pagkakaugnay niya sa Tagalikha niya at pagtuon nito sa Kanya. Dahil doon, kakapit kay Allāh ang mga pag-asa niya, ang panalangin niya, at ang paghahangad niya.
- Na ang pananampalataya sa haliging ito ay nagsasakatuparan ng pagkabalanse at pagkatiwasay na pampuso sa loob ng sarili ng bata. Kaya kapag nakararamdam ang mananampalataya na ang bawat nangyayari sa kanya na kabutihan o kasamaan ay mabuti para sa kanya at na walang kairalan para sa isang walang takdang kasamaan, ito ay magpaparamdam sa kanya ng pagkatiwasay at katatagang pansarili na panloob. Ito ay magsasanhi sa kanya na humarap sa mga suliranin niya, mga pagod niya, at mga alalahanin niyan nang may maluwag na dibdib sa pagtatadhana at pagtatakda ni Allāh. Dahil doon, magsusuko siya ng nauukol sa kanya kay Allāh at mamumuhay siya na natitiwasay ang puso, na napapanatag ang isip. Kaya ang sinumang sumampalataya sa pagtatakda ni Allāh (kaluwalhatian sa Kanya) ay hindi nanghihinawa, hindi nagpapata, at hindi naiinis sa sandali ng mga kasawian at pagbaba ng mga kalamidad, bagkus sumusuko sa pagtatakda ni Allāh, umaasa sa ganang kay Allāh ng gantimpala, at bumanggit sa sandali ng unang dagok ng sabi ni Allāh: “Talagang susubok nga Kami sa inyo sa pamamagitan ng isang anumang kabilang sa pangamba at gutom, at ng isang kabawasan mula sa mga ari-arian, mga buhay, at mga bunga. Magbalita ka ng nakagagalak sa mga nagtitiis,na mga kapag tinamaan sila ng isang kasawian ay nagsasabi sila: “Tunay na kami ay kay Allāh at tunay na kami ay tungo sa Kanya mga babalik.Ang mga iyon ay may ukol sa kanila na mga pagbubunyi mula sa Panginoon nila at awa. Ang mga iyon ay ang mga napapatnubayan.” (Qur’ān 2:155-157)
- Maaaring humango ng aral mula sa paglalahad ng ilan sa mga kuwento at mga salaysay na lumitaw sa mga tao ang pagkayamot sa nangyari sa kanila na mga pagtatakda ni Allāh, pagkatapos luminaw sa kanila matapos niyon ang kabutihan na itinakda ni Allāh para sa kanila dahil doon yayamang naiba ang mga kalagayan at ang mga nauukol sa kanila na naging mainam.
- Nabubuod ang pananampalataya sa pagtatakda na si Allāh (pagkataas-taas Siya) ay nakaaalam sa bawat bagay sa kabuuan at detalye, na Siya ay nagtala ng anumang nauna sa kaalaman niya mula sa mga itinakda sa mga nilikha hanggang sa Araw ng Pagbangon sa Tablerong Pinag-iingatan, at na ang lahat ng mga umiiral at mga bagay ay hindi mangyayari malibang ayon sa kalooban ni Allāh at paglikha Niya.